UNANG PAGBASA
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan (1 Juan 1, 5 – 2, 2)
Mga pinakamamahal, ito ang aming narinig kay Hesukristo, at ipinahahayag namin sa inyo: ang Diyos ay ilaw, at walang anumang kadiliman sa kanya. Kung sinasabi nating tayo’y kaisa niya, ngunit namumuhay naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, kung paanong siya’y nasa liwanag; tayo’y nagkakaisa at nililinis ng dugo ni Hesus na kanyang Anak sa lahat ng ating kasalanan.
Kung sinabi nating tayo’y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili, at wala sa atin ang katotohanan. Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya’y matuwid. Kung sinasabi nating hindi tayo nagkakasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.
Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya’y si Hesukristo, ang walang sala. Sapagkat si Kristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.
SALMONG TUGUNAN
Tayo’y ibong nakatakas nang ang bitag ay mawasak. (Salmo 123, 2-3. 4-5. 7b-8)
Kung ang Panginoong Diyos, sa amin ay di pumanig,
noong kami’y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilulon na nang buhay,
sa silakbo ng damdamin at matinding kagalitan.
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Maaaring kami noo’y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata’t tuluy-tuloy na nalunod;
sa lakas ng agos noo’y nalunod nga kaming lubos.
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
Nang ang bitag ay mawasak lubos tayong nakalaya.
Tulong nating kailangan ay sa Poon nagmumula,
pagkat itong lupa’t langit tanging siya ang lumikha.
Tayo’y ibong nakatakas
nang ang bitag ay mawasak.
MABUTING BALITA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (Mateo 2, 13-18)
Pagkaalis ng mga Pantas, napakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi sa kanya, “Magbangon ka, dalhin mo agad sa Egipto ang mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang patayin.” Kaya dali-daling bumangon si Jose at nang gabing iyo’y dinala sa Egipto ang mag-ina. Doon sila tumira hanggang sa mamatay si Herodes.
Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko ang aking Anak mula sa Egipto.”
Galit na galit si Herodes nang malamang siya’y napaglalangan ng mga Pantas. Kaya’t ipinapatay niya ang mga batang lalaki sa Betlehem at mga palibot na pook – lahat ng may gulang na dalawang taon pababa, alinsunod sa panahon ng paglitaw ng tala na natiyak niya sa mga Pantas.
Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:
“Narinig sa Rama ang malakas na panaghoy.
Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
Hindi siya maaliw sa tindi ng kalungkutan dahil sa pagkamatay nila.”
Tags:
Gospel Reading